“Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”

Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuon sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taon partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric” na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdamin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at iba pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang-diin nito ang Pilipinong Identidad at halagahan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan.

Ito rin ay pakikiisa ng KWF sa UNESCO International Decade of Indigenous Languages (IDIL2022-2032) na nakaangkla sa Deklarasyon ng Los Pinos (Los Pinos Declaration) na nagtataguyod ng karapatan ng Mamamayang Katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanan gamit ang katutubong wika bilang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buhay ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho.

Mahigpit ding itinatagubilin ang paggamit ng katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, midya, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan. Isinasaalang-alang din ang potensiyal ng teknolohiyang dihital sa pagtataguyod at preserbasyon ng mga nabanggit na wika.

Pakikiisa ng KWF sa Programang Pangwika ng UNESCO

Matagal nang nakasuporta ang KWF sa mga programang pangwika ng UNESCO at sa katunayan ay nakapagdaos na ito ng Pandaigdigang Kumperensiya sa mga Nanganganib na Wika (2018), Seminar-Workshop sa Digital Archiving ng mga Wika (2018), at Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika (2019). Nakapagtatag na rin ng 25 Bantayog-Wika na naglalayong higit na mapahahalagahan ng bawat pamayanang kultural ang kanilang wika, maging ang pagpapayaman at pagkilala sa mga ito bilang instrumento hindi lamang ng rehiyonal na pagkakakilanlan kundi maging sa pagpapaunlad ng pambansang identidad sa wika. Nariyan din ang programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (2017).

Ano ang Bahay-Wika?

• Programang pangwika para sa batang may edad 2–4 taong gulang.

• Isinasagawa rito ang ganap na imersiyon sa wika sa pamamagitan ng inter-aksiyon ng mga bata sa mga tagapagsalita ng katutubong wika, kadalasan ay mga elder.

• Ang diwa ng programa ay mabigyan ng intensive exposure sa iisang wika lamang ang bata at hindi lamang sa pamamagitan ng pagtuturo ng wika, kundi sa pamamagitan ng pagbuo ng isang kapaligiran na likas na matutuhan (acquisition) ng bata ang wika.

• Inspirado ng programang Language Nest at itinuturing na isa sa pinakamabisang modelo at paraan sa pagbuhay at pagpapalakas ng wika. Ginamit ito at napatunayang epektibo ng iba’t ibang organisasyon at samahang pangwika sa Canada, New Zealand, Alaska, at Hawaii gaya ng komunidad ng Adam’s Lake sa British Columbia at ang Government of Northwest Territories sa Canada na sumuporta sa 18 language nest program.

Ano ang MALLP?

• Programang pangwika na nakatuon sa isahang pagtuturo ng wika (one-on-one) ng isang mahusay na tagapagsalita ng wika (master) sa isang mag-aaral ng wika na nasa hustong gulang na (adult apprentice).

Taong 2017 nang simulan ang proyektong ito sa komunidad ng Ayta Magbukun sa Bangkal, Abucay, Bataan dahil sa pagnanais ng komunidad na mapasigla ang kanilang katutubong wika. Naisakatuparan din ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan na makakatuwang, gaya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, Lokal na Pamahalaan ng Abucay, DepEd Bataan, NCIP Provincial Office, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO Bataan), NCCA-PCEP, at sa mismong komunidad ng Ayta Magbukun.

Taong 2020, sinimulan ang Bahay-Wika sa Tahanan (Home Language Nest) bilang pag-adapt sa “new normal” ngayong panahon ng pandemya upang maipagpatuloy pa rin ng komunidad ang pagtuturo ng kanilang katutubong wika sa kanilang kabataan.

Nagkaroon din ng konsultasyon sa iba’t ibang sektor gaya ng DOH, DSWD, DA, at BFAR na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng KWF Adyenda sa Pangangalaga ng mga Katutubong Wika noong 2019 na nakasalig sa prinsipyo ng (1) karapatan (rights) o ang pagtanaw na karapatan ninuman ang paggamit ng sariling wika at pagsasabuhay ng sariling kultura; (2) pagsasama/pagiging kaisa (inclusion), ang pagkilala sa lahat ng grupo at pagsegurado na sila ay kaisa sa pagbuo ng desisyon lalo na sa usapin ng sarili nilang kaunlaran; (3) pagpapatibay (ratification), ang pagtukoy sa consensus at pagrespeto sa desisyon ng buong pamayanan; (4) pagtutulungan (partnership), o ang pagtutulungan ng lahat ng ahensiya ng gobyerno at ng komunidad na kaugnay; at (5) pagbibigay-kapangyarihan o pagkilala (empowerment), bilang paraan sa pagtiyak na magtutuloy-tuloy ang mga gawaing ito.

Natukoy din sa Adyenda ang pitong (7) salik o aspektong mahalaga sa pagpapalakas, pagtataguyod, at pagpapaunlad ng wika at kultura ng mga Pilipino, tungo sa pagkamit ng maginhawang buhay para sa lahat ng katutubong pamayanan sa bansa. Ang mga salik na ito ay ang: Pamamahala (Governance), Kabuhayan (Economics), Edukasyon, Promosyon, Kakayahan (Skills), Kalusugan, at Komunidad.

Bakit mahalaga ang pagbibigay priyoridad sa mga Katutubong Mamamayan at sa kanilang komunidad?

1) Ang mga Katutubong Pamayanan ang bumubuo sa 22% ng kalupaan at 80% ng biological diversity ang nasa pangangalaga ng mga ito.

2) Sa pagkawala ng mga Katutubong Pamayanan, “naglalaho din ang biodiversity, at ng sapat na mapagkukunan ng pagkain.” (Kichwa Cotopaxi at Otavalo indigenous activist Ninari Chimba Santillan)

3) Mahalaga ang pangangalaga sa mga Katutubong Pamayanan upang maagapan ang patuloy na pagkawala ng 40% ng mahigit 7,000 wika sa mundo, batay sa pagtataya ng United Nations Permanent Forum on Indigenous Issues.—The UNESCO Representative in Mexico, Frédéric Vacheron

Hinggil sa mabilis na pagkawala ng mga wika sa mundo ay matindi ang babala ni Thomas N. Headland (2003):

“There are 6,089 languages spoken in the world. Half of these have less than 6,000 speakers each; a quarter (28%) have less than 1,000 speakers; 500 languages have more than 100 speakers; and 200 languages have less than 10 speakers. Conservative estimates are that the world’s languages are currently dying at the rate of at least two languages each month, meaning about one-third of today’s languages will disappear in the 21st century. Most specialists argue that at least half will die in the next 100 years.”

Kung ganito kalaki o katindi ang kabayaran ng pagkawala ng isang wika ay marapat lamang na maalarma ang lahat ng sektor ng lipunan at pasimulan ang isang kolektibong pagkilos upang maprotektahan ang mga pamayanang nagkakanlong ng mga katutubong wika.

Ang maka-Pilipinong Pananaw (Filipino-centric) sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino

Ang mahabang panahon ng pagkakapailalim ng bansa sa iba’t ibang mananakop ay may tuwirang epekto sa kaasalang pangwika at pangkultura sa kasalukuyan. Ang ginawang pangmamaliit ng España, Estados Unidos, at Japan sa mga Pilipino sa kani-kanilang yugto ng pananakop sa bansa ay nagbunga ng sumusunod:

1. Pagyakap sa kultura o kalinangang banyaga sa hangaring makapantay sa kultura at estado ng mga mananakop (convergence).

2. Pagkiling o mas pinaigting na pagpapahalaga sa sariling kultura at kalinangan upang maipagmalaki sa harap ng mga naghaharing uring mananakop ang sariling kaakuhan o identidad ng sinakop (divergence).

Ang katotohanang isa ang bansa sa pangunahing tagatangkilik ng mga produktong pampaputi ay patunay ng patuloy na pamamayagpag ng imperyalismong kultural sa bansa. Anupa’t ang Doña Victorina Syndrome (hango sa popular na karakter sa nobelang Noli Me Tangere) ay malimit ihalimbawa ni Dr. Felipe De Leon, dating Tagapangulo ng NCCA upang ipakita ang matinding obsesyon ng mga Pilipino sa pamantayang Kanluranin na malinaw na halimbawa ng cultural convergence.

Laganap ang stereotyping sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino partikular na ang diskriminasyon sa paraan ng pananalita ng ating mga kababayang iba ang saltik ng dila kompara sa mga tagasentro. Paulit-ulit ang tahasang pagkutya sa tono o punto sa pagsasalita ng mga taga-Visayas at Mindanao. Lutang na lutang maging sa pinilakang tabing ang stereotyping pagdating sa pagpili ng mga karakter na kadalasang kasambahay o sidekick ng mga bida na ang palagiang identifying mark ay ang pagkakaroon ng tono o puntong Bisaya.

Ang tema ng Buwan ng Wika ay pagsasadambana sa dignidad ng mga katutubong wika at sa kultura ng mga komunidad na nagmamay-ari nito. Ang wika at kultura ay sadyang nakabuhol sa isa’t isa at hindi mapaghihiwalay kailanman. Ayon pa kay Zeus F. Salazar (1996):

“Kung ang kultura ay ang kabuoan ng isip, damdamin, gawi, kaalaman, at karanasan na nagtatakda ng maangking kakanyahan ng isang kalipunan ng mga tao, ang wika ay hindi lamang daluyan kundi, higit pa rito tagapagpahayag at impukan-kuhanan ng alinmang kultura. Walang kulturang hindi dala ng isang wika na bílang saligan at kaluluwa ay siyang bumubuo, humuhubog at nagbibigay diwa sa kulturang ito.”

Ang dekolonisasyon ay pagwawaksi ng pagtatangi o diskriminasyong pangwika at pangkultura sa bansa. Isinisigaw nito ang katotohanang ang mga karunungang-bayan at porma ng sining sa bawat sulok ng kapuluan ay karapat-dapat sa respeto, pagkilala, at tangkilik na ibinibigay ng madla sa kulturang popular. Sa katunayan, kailangang maisalin sa wikang pambansa ang mga karunungang bayan upang mabigyan ng pambansang paggalang. Ayon pa kay Salvacion L. Cabaobao-Dime (2004), “kapag naisalin ang mga awtentikong panitikan, magagamit itong mabisang lunsaran sa pagtuturo ng mga aralin sa Filipino.”

Kaya naman, mahalagang alalahanin sa pagkakataong ito ang isang makabuluhang paalala mula kay Prop. Ligaya Tiamson-Rubin (1992):

“Katulad ng magkakapatid na nagkahiwa-hiwalay nang magkaroon ng sari-sariling pamilya at tumahak sa kani-kanilang pamumuhay at kani-kanilang paraan ng pagharap at paglutas sa mga sitwasyon at problema, ang mga wika at wikain sa Pilipinas ay nagkaroon ng kani-kanilang anyo at hugis bagamat hawig pa rin.”

Mahalagang alalahanin ang puntong ito sa mga sandaling nasa bingit tayo ng pagkutya o paghamak sa ating kapuwa nang dahil lamang sa ating pangkultura at pangwikang pagkakaiba!

Simbolismo sa poster

Ang bangka sa kabuoan ay representasyon ng ating Austronesian heritage. Itinatanghal nito ang perspektiba na ang yaman ng ating lahi ay nasa mga wika ng bansa na dala ng lahing Austronesian na nanirahan sa ibá’t ibang panig ng kapuluan ilang libong taon na ang nakalilipas. At nang lumaon ay naipalaganap ng ating mga ninuno sa mga bansa sa Dagat Pasipiko mula Guam at New Zealand hanggang Madagascar sa pamamagitan ng bangka. Naging mahalaga ang bangka sa ating mga ninuno hindi lamang sa paglalakbay, pagtuklas, pangangalakal, pangingisda, at pamamasyal kundi sa pagpapamalas ng kanilang pagiging bihasa sa karagatan.

Hindi rin mapabubulaanang naging instrumento ang bangka sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Anupa’t ang bangka ay isang neutral na simbolo ng ating pagka-Pilipino—mapa-Kristiyano, Muslim, o Katutubo.

Ang alon na binubuo ng pangalan ng mga wikang umiiral sa kapuluan ay paalala na iisa lamang ang pinagmulan ng mga wika sa bansa. Itinatagubilin nito na iba-iba man ang ating mga wika, bahagi tayo ng iisang dagat. Samakatwid, pantay ang halaga ng ating mga wika na dapat igalang at pahalagahan.

Anupa’t ang matagumpay na pangangalaga sa lahat ng katutubong wika sa bansa na siyang mandato ng KWF salig sa Batas Republika Blg. 7104 ay tagumpay natin bilang isang bansa at isang lahi!

Sa huli, ginagabayan tayo ng bangka na lingunin ang ating pagkakatulad sa halip na ang pagkakaiba na siyáng ginamit ng mga mananakop sa pamamagitan ng polisiyang divide et impera (divide and conquer) kaya tayo, nagkalayo-layo bílang isang lahi. Tinuruan tayong lumimot ng mga kolonisador sa ating mga pagkakatulad upang hadlangan ang ating pagkabuo bilang isang bansa. Kinondisyon ang ating isip na tanggaping higit tayong mahina at walang kakayahang maging superyor kaya’t naging alipin tayo ng imperyalismong kultural.

Gayunman, hanggang naririyan ang ating mga wika at katutubong pamayanang kultural, magsisilbi itong bukas na pinto at durungawan upang patuloy nating matanaw at mabalikan ang ating nakaraan. Inaanyayahan tayo ng mga karunungang-bayan na nakaimbak sa mga katutubong wika at kumakaway ang mga materyal na kulturang tagapagpaalala ng ating nakaraan. Tayo nang sumakay sa bangka, lakbayín ang nakaraan sa pamamagitan ng mga katutubong wika, at muling tuklasin ang ating sarili bilang PILIPINO.

©Komisyon sa Wikang Filipino